MANILA, Philippines - Pinatay na ng nagsanib na bandidong Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front renegades ang anim sa walong sundalong binihag sa 9-oras na umaatikabong bakbakan sa Sitio Baisung, Barangay Cambug sa bayan ng Al Barkha, Basilan.
Sa ulat ni Army Spokesman Col. Antonio Parlade, sa pinakahuling ulat na nakarating kahapon sa kanilang tanggapan ay umaabot na sa 19 ang napatay na sundalo kabilang ang anim na hinostage na kasalukuyang beneberipika dahil kailangang marekober ang mga bangkay.
Sa bakbakan ay umaabot sa 13 ang unang napaslang sa militar na tinukoy na sina 1st Lt. Colt Alsiyao, 1st Lt. Frank Junder Caminos, 1st Lt. Vladimir Mahinang, 2nd Lt. Jose Define Khe, Pfc. Alex Recafrancia, Pfc. Michael Miguel, Pvt. Gerry Colonia, Pfc. Dennis Bulan, Pfc. Jordan Magno, Pfc. Jonis Rigor, Pfc. Ervin Dequito, Pfc. Emergon Tugas at Pfc. Oliver Jordan.
Patuloy namang ginagamot ang sampung sundalo sa Camp Navarro Station Hospital at dalawa pa sa Ciudad Zamboanga Hospital.
Samantala, sa grupo ng Abu Sayyaf at MILF renegades ay pito ang narekober na bangkay na pinaniniwalaang marami pa ang nalagas na pinaniniwalaang inilibing na ng mga bandido.
Ang grupong nakasagupa ng 13th at 19th Special Forces Company na nag-umpisa dakong alas-7 ng umaga at tumagal hanggang alas-4 ng hapon ay pinamumunuan nina Commander Dan Laksaw Asnawi, Long Malat ng MILF Command at ng Abu Sayyaf.
Si Asnawi at isang pugante sa Basilan Provincial Jail noong Disyembre 30, 2009 kasama ang may 30 pang inmates.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. na prayoridad nila ang mailigtas ang nalalabi pang hostage at umaasa silang buhay pa ang mga ito.