MANILA, Philippines - Tatlong bata na nagkakaedad 5 pababa ang iniulat na nasawi habang mahigit pa sa isang dosena katao ang naratay sa ospital matapos na manalasa ang diarrhea dulot ng kontaminadong inuming tubig sa bayan ng Maasim, Sarangani, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense (OCD), nabatid na umpisa nitong nakalipas na ilang araw hanggang kamakalawa ay magkakasunod na isinugod sa ospital ang mga biktima mula sa Barangay Tinoto. Isinailalim naman sa state of calamity ang Brgy. Tinoto matapos dumagsa sa ospital ang mga residenteng naapektuhan ng diarrhea. Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang tubig inumin sa nasabing barangay upang matukoy ang uri ng bacteria na nagdadala ng diarrhea.