7 Abu/MILF, 4 Army bulagta sa bakbakan
MANILA, Philippines - Umaabot sa pitong miyembro ng nagsanib puwersang Abu Sayyaf Group/ Moro Islamic Liberation Front renegade at apat na sundalo ng Philippine Army ang iniulat na napaslang sa naganap na anim na oras na bakbakan sa liblib na bahagi ng Barangay Cambug, Al Barkha sa Basilan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Col. Alexander Macario, commander ng Special Task Force Basilan, bandang alas-6 ng umaga nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng 13th Special Forces Company, 4th Special Forces Battalion at mga trainee ng Military Scuba Diver Course laban sa mga bandidong Abu Sayyaf at MILF rebs.
Ang mga teroristang grupo ay pinamumunuan nina MILF renegade Commander Hajji Laksaw at Dan Asnawi habang ang Abu Sayyaf ay sa ilalim naman ni Nurhassan Jamiri.
Sa report na tinanggap ni Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz, apat ang nasawi sa tropa ng militar na hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan dahil kailangan pang impormahan ang kani-kanilang pamilya.
Samantala, pito naman sa panig ng Sayyaf at MILF ang napatay matapos na abandonahin ng mga kasamahang bandido.
Nagpapatuloy naman ang operasyon ng militar laban sa grupo ng Abu Sayyaf at MILF.
- Latest
- Trending