MANILA, Philippines - Limang kalalakihan na sinasabing dumukot sa Taiwanese trader sa Valenzuela City ang napatay matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response at iba pang law enforcement agency sa magkahiwalay na barangay sa bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Chief Supt Isagani Nerez, hepe ng PACER, nailigtas naman ang trader na si Ying Ching Chang, 29, isa sa nagmamay-ari ng garments manufacturing company sa Valenzuela City.
Dalawa sa kidnaper na nagbabantay sa biktima ang nagtangkang lumaban sa raiding team ang napatay matapos salakayin ang safehouse sa Barangay Bigte sa nasabing bayan
Narekober ng mga awtoridad ang kabuuang P210,000 ransom money na ibinayad ng mga kaanak ng biktima.
Habang ang tatlong iba pa ay nasabat naman sa PNP-AFP checkpoint sa Barangay Minuya matapos makipagbarilan bandang alas-2:43 ng madaling-araw
Nabatid na nabasag ang windscreen ng mobile patrol car ng PRO3 sa naganap na shootout laban sa tatlong holdaper.
Sa tala ng pulisya, si Ying ay dinukot noong Miyerkules (Oct.12) sa Valenzuela City kung saan nakipag-ugnayan naman ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad kaya matagumpay na nailatag ang operasyon.