3 hayskul stude niratrat na tsinap-chop pa

MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng tatlong magkakaklase sa hasykul na sinasabing nakipaglamay sa burol ng kanilang kaibigan matapos na pagbabarilin ng mga 'di-kilalang kalalakihan sa panibagong karahasang naganap sa bayan ng Ba­lungao, Pangasinan noong Biyernes ng gabi.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Rosueto Ricaforte, director ng Pangasinan PNP Office, kinilala ang mga napaslang na sina Mike Sapili, Paul Bryan Villapa at Brian Luna na pawang 14-anyos at 3rd year sa Balungao National High School.

Bandang alas-11:30 ng gabi naganap ang pananambang habang naglalakad pauwi ang mga biktima sa Barangay San Miguel matapos makipaglamay sa isa nilang kaibigan sa kanugnog na Barangay San Raymundo.

Ayon naman kay P/Ins­pector Rodolfo Olinda Jr., deputy chief of police ng Balungao, nakaligtas sa pananambang ang isa sa kaklaseng si RJ Sobrevilla, 14, matapos itong makatakbo palayo sa lugar kung saan nasa state of shock at isinailalim  na sa protective custody ng pulisya.

Lumilitaw sa imbestigasyon na inabangan ang mga biktima sa hangganan ng Barangay San Miguel at Brgy. San Raymundo kung saan niratrat saka pinagpuputol ang katawan.

Narekober sa crime scene ang may 20 basyo ng bala ng M-16 Armalite Rifle, bala ng M 14 rifle at tatlong bala ng Carbine.

Kasalukuyang nanga­ngalap ng impormasyon ang pulisya sa ilang kamag-anak ng mga biktima para malinawan ang karumal-dumal na krimen.

Show comments