Zantua drug group nalansag
CAMARINES NORTE, Philippines — Nabuwag ng mga awtoridad ang notoryus na Zantua drug group na nag-o-operate sa lalawigan ng Camarines Norte kasunod sa pagkakaaresto sa lider nito at mga kasamahan sa grupo sa raid sa Zone 3, Hollywood, Purok 7, Brgy. 5, Daet, Camarines Norte kamakalawa ng madaling-araw. Kinilala ni P/Sr. Supt. Roberto Fajardo, Camarines Norte Police Provincial Director ang nahuling suspek na sina Arnold Zantua, 41-anyos, isang sales agent, asawang si Gina Zantua, 36, negosyante at si Iluminado Zantua, 70-anyos, biyudo isang watch-repairman na pawang mga residente ng nasabing lugar. Sa press conference, sinabi ni Fajardo si Arnold Zantua ay lider ng Zantua drug group. Nabatid pa na ang modus operandi ng grupo ay sa pamamagitan ng text message at sa halip na pera ang pambayad sa pagbili ng droga, karamihan sa kostumer ng suspek ay tumatanggap ng kapalit na baril, imported na alak, panabong na manok o mamahaling cell phone. Nasamsam sa operasyon ang isang granada, isang kalibre 38 baril, 2 cal. 45 pistol, isang revolber na converted sa bala ng armalite, 30 pirasong ibat-ibang bala, airgun, shabu na tumitimbang ng 19.2 na gramo at iba pa.
- Latest
- Trending