MANILA, Philippines - Nalutas na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region IV-A ang kaso ng panghahalay at pagpatay sa isang magandang 19 anyos na Computer Science student ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB) sa Laguna kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao, Jr. kung saan ang mga suspek na sina Percival de Guzman, tricycle driver at Lester Ivan Rivera, security guard ng PS Bank, Los Baños Branch ay sinampahan na kahapon ng hapon ng kasong rape with homicide.
Ayon kay Pagdilao sina Rivera at de Guzman ang lumitaw sa imbestigasyon na responsable sa pagdukot, panggagahasa at brutal na pagpatay sa biktimang si Given Grace Cebanico, ng Binangonan, Rizal at stay-in student sa 5th September Mansion Dormitory sa Brgy. Batong Malake sa Los Baños. Ang bangkay ng biktima na natagpuan noong Martes sa madamong bahagi ng Brgy. Tuntungin Putho sa bayang ito ay nagtamo ng mga saksak sa likurang bahagi ng katawan, may tama ng bala ng baril, nakagapos ang mga kamay, nakabusal ng panyo ang bibig na nilagyan pa ng masking tape, may tama ng bala sa ulo, tadtad ng saksak at walang saplot sa ibabang bahagi ng katawan.
Samantalang ikinanta naman ng tricycle driver na si Rivera ang bumaril sa biktima kung saan ang baril at posas na ginamit sa dalaga ay pinaniniwalaang galing sa ahensya ng sekyu. Patuloy namang sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng biktima.