Reporter nasalisihan sa mall
MANILA, Philippines - Isang lady reporter ng People’s Tonight ang natangayan ng bag ng dalawang miyembro ng Salisi Gang sa ikalawang palapag ng Robinson Mall sa bayan ng Imus, Cavite noong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Zaida de los Reyes-Palanca, 32, naka-beat sa Camp Crame at nakatira Plaridel Subdivision, Brgy. Bayan Luma 7 sa nasabing bayan.
Sa salaysay ni de los Reyes-Palanca sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi sa Petty Section sa 2nd level ng Robinson Mall habang nagsusukat ito ng damit sa fitting room.
Pinabantayan ni Zaida ang kanyang bag sa kasama sa mall nang mag-komosyon kung saan isa sa dalawang Salisi Gang ang bumangga sa saleslady na napasigaw.
Paglingon ng kasama ni Zaida ay nawawala na ang bag nito na naglalaman ng laptop, pitaka na may P16,000, credit card at iba pang mahahalagang gamit.
Nabigo namang mahabol ng mga guwardiya ang babaeng nakasuot na asul na blouse at ¾ pants na nagmamadaling lumisan sa mall.
Pinaniniwalaan namang kasabwat ng babae ang lalaking bumangga sa saleslady na umagaw ng atensyon ng kasama ni Zaida sa mall.
- Latest
- Trending