Subic, Zambales, Philippines — Lima katao ang patay samantalang walong iba pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang aksidenteng mabagsakan ng steel platform sa isang ginagawang barko sa Keppel shipyard sa bayang ito kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat na nakalap kay P/Insp. Ramil Menor, Deputy Police Chief ng Subic Municipal Police Station, kinilala ang mga namatay na sina Mark San Juan, Jaylord Reyes, Glen Miranda, Crisander Papna na dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente habang namatay naman sa ospital si Ronal Lara.
Nabatid sa imbestigasyon na dakong alas-10:20 ng umaga nang bumagsak ang steel platform ng MV Tombarra na ginagawa sa Forward Dry Dock ng naturang shipyard at madaganan ang mga biktima.
Walong iba pang mga manggagawa din ang grabeng nasugatan na dinala sa iba’t ibang ospital sa Olongapo City.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang malagim na sakuna.