MANILA, Philippines - Dahilan hindi naibili ng uniporme sa boy scout at matinding kalungkutan sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang, nag-suicide ang isang 13 anyos na batang lalaki matapos itong magbigti sa puno ng mangga sa Brgy. Maghanoy, Barili, Cebu kamakalawa.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, kinilala ang biktima na si Ramsel Halos, residente sa naturang lugar, isang kandidatong valedictorian sa Grade VI sa Maghanoy Elementary School.
Bandang alas-5 ng hapon ng madiskubre ang biktima na nakabigti ng lubid sa puno ng mangga sa likurang bahagi ng tahanan ng lola nito na nag-aalaga sa bata matapos maghiwalay ang kaniyang mga magulang na may kani-kaniya ng mga pamilya.
Ayon sa kuwento ng mga kamag-aral ng biktima, maraming beses umanong nabanggit sa kanila ni Halos na magpapakamatay siya kapag tuluyan siyang hindi binalikan ng kaniyang mga magulang sa kaniyang lola.
Bukod dito, lumilitaw rin sa imbestigasyon na nagtampo rin ang biktima sa kaniyang lola matapos siyang hindi nito maibili ng uniporme sa boy scout na lalo pang nakapagpa-grabe ng kalungkutan ng bata.
Sa tindi ng kahihiyang inabot dahilan walang uniporme ng boy scout ay umuwi umano ang biktima kung saan nag-suicide na ito sa puno ng mangga gamit ang isang mahabang lubid.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.