Misis pumalag sa rapist, tinodas

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang misis matapos itong pumalag sa tangkang pang­hahalay ng kamag-anak ng kaniyang mister sa Barangay Adlawon, Cebu City, Cebu kamakalawa ng umaga.

Napuruhan sa likurang bahagi ng ulo si Mary Grace Rabina, 20, habang nahaharap naman sa kasong attempted rape at homicide ang suspek na si William Magno, 37, kamag-anak ng mister ng biktima na si Ryan Icocando, 27.

Batay sa ulat ng Cebu City PNP Homicide Section, kasalukuyang  pinade­dede ng misis ang kaniyang isang taong gulang na anak na lalaki nang dumating ang suspek sa kanilang tahanan.

Kaagad na sinunggaban nito ang misis at tinangkang hubaran upang halayin subalit nagawang makahulagpos sa pagkakayakap ng suspek habang pinag­hahalikan ito kung saan nagtatakbo ang biktima pero binaril ito ng suspek.

Duguang bumulagta ang biktima matapos masapul ng tama ng bala sa ulo na lumagos sa kaliwang baba.

Sa follow-up operation ng pulisya, nasakote naman ang suspek at nasamsam ang cal. 38 revolver na may 5-bala at ang kulay dilaw na duguang t-shirt, short pants, kulay itim na jacket  na suot.

Show comments