11 guro nalason sa pancit palabok
MANILA, Philippines - Sa gitna na rin ng selebrasyon ng World Teacher’s Day, aabot sa 11-guro sa elementarya ang naratay sa ospital matapos malason sa kinaing pancit palabok sa isang food chain sa Sta. Rosa City, Laguna kamakalawa ng tanghali.
Sa ulat ng Sta. Rosa City PNP, kinilala ang mga biktima na sina Mary Ann Dano, Marisa Cose, Milo Baraya, Ema Babiano, Judilon Dela Pena, Meth Angeles, Maria Gloria Santillan, Erwin Rivera, Rocel Aquino, Sonia Rivera at Marela Polmano na pawang guro sa Sta. Rosa City Elementary School.
Naganap ang insidente sa pagitang ng alas-11 at alas-12 ng tanghali matapos na pumila ang mga guro sa hindi tinukoy na food chain sa loob ng mall sa Sta. Rosa City kung saan nagsalu-salong kumain ng palabok na nakalagay sa styrofoam.
Gayon pa man, ilang oras matapos kumain ng pancit palabok ay nakaramdam ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, pananakit ng ulo at dumanas ng diarrhea ang mga guro na sinasabing nag-celebrate ng World’s Teachers Day. Pinaniniwalaang napanis ang pancit palabok na kinain ng mga guro matapos na makulob sa styrofoam na nakalason.
Kaugnay nito , isinailalim naman sa pagsusuri ang sample ng palabok para madetermina ang sanhi ng pagkalason ng mga guro.
- Latest
- Trending