BULACAN, Philippines – Nananawagan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga residente na nasa evacuation center sa San Marcos Elementary School sa bayan ng Calumpit, Bulacan na imbestigahan ang pagkawala ng mga relief goods na sinasabing ninanakaw ng mga opisyal ng barangay imbes na ipamahagi sa mga sinalanta ng bagyong Pedring at Quiel. Dismayado ang mga residente na naapektuhan ng tubig-baha sa nabanggit na barangay dahil walang nakarating na relief goods sa kanilang lugar na sinasabing ninanakaw ng mga tiwaling kagawad ng barangay.
“Ang kakapal po ng mukha nila sa halip na tulungan kami ay nagawa pa nilang itago ang mga relief goods at iuwi sa kani-kanilang bahay upang sila lamang ang makinabang,” ayon sa isang residenteng hindi maitago ang sama ng loob laban sa pamunuan ng kanilang barangay.
Napagalaman din na sa gabi ginagawa ang pagnanakaw ng mga relief goods tuwing may magaabot ng tulong sa kanilang lugar at hinahayaan ang mga kagawad ng barangay ang siyang mamahagi ng mga naturang pagkain ngunit nabisto lamang ang nakawan matapos magtanong ang isang non-government organization kung nakarating sa kanila ang mga relief goods.