7-anyos dinedo, inilibing sa palikuran

MANILA, Philippines - Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 7-anyos na batang lalaki matapos dukutin ay pinatay sa sakal ng ex-live in partner ng kaniyang ina sa Mandaue City, Cebu, ayon sa ulat kahapon.

Sa panayam kay P/Senior Supt. Noel Gillamac, director ng Mandaue City PNP, dakong alas-9 ng umaga noong Martes nang marekober ang bangkay ni Gabriel Morales sa bahay ng suspek na si Mario Abecia, 42, sa Barangay Subangdaku.

Ang bangkay ng bata ay nakabalot ng kumot, naka- masking tape ang bibig, naka­gapos ng kawad na inilibing sa sa tabi ng toilet bowl sa bahay ng suspek na dating live-in partner ng ina ng bata na si Christine Morales, 29.

Sa salaysay ng ina ng biktima sa pulisya noong Sabado pa nawawala ang kaniyang anak kung saan kamakalawa ay may nakapagsabi na nakita ang bata habang inaakay ni Abecia  matapos itong tawagin habang naglalaro.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tinangay ng suspek ang anak ni Christine sa unang asawa sa Brgy. Umapad upang gamitin sana para makipagbalikan pero tumanggi ang misis. Sa tindi ng sama ng loob ay napatay ng suspek ang bata kung saan isang Junjun Arsenal ang isinailalim rin sa imbestigasyon matapos na ikanta na ang suspek ang pumatay sa biktima.

Nadiskubre ang krimen matapos na umalingasaw ang mabahong amoy mula sa tahanan ni Abecia hanggang siyasatin ito ng mga kapatid ng huli na sina Anna Marina Abecia at Demetrio Abecia  kung saan tumambad ang bangkay ng bata na pinagpipiyestahan na ng mga langaw.

Arestado naman ang suspek noong Lunes ng hapon (Oktubre 3).

Show comments