BULACAN ,Philippines — Nanawagan ang isang non-government organization kahapon sa publiko para saklolohan ang mga residente sa bayan ng Hagonoy, Bulacan kung saan walang maiinom na tubig at pagkain dahil sa pananatiling lubog sa tubig-baha.
Inihayag ng Balikatan People’s Alliance na patuloy silang tumatanggap ng ulat sa mga miyembro sa Hagonoy bukod sa wala nang mainom at makain, wala rin halos tulong na dumarating mula sa mga opisyal ng lokal at panlalawigang pamahalaan.
Ayon kina Balikatan Region 3 Chairman Pepito de Juan at Bulacan Chairperson Genalyn Ramos, naglalakad ang mga residente ng hanggang 10-kilometro sa tubig-baha na umaabot sa hanggang dibdib ang lalim sa paghahanap ng maiinom na tubig at pagkain.
“Hindi pa rin daw nakikita ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan tulad ni Gov. Wilhelmino Alvarado at ang asawa nitong si Congresswoman Marvic Alvarado para damayan at bigyan ng tulong ang mga binaha,” pahayag nina De Juan at Ramos. Napaulat din na nagrereklamo ang mga taga-Hagonoy na hindi sila isinama sa binigyan ng relief goods kung saan ibinuhos lahat ang tulong sa bayan ng Calumpit na sinasabing nakatira ang mag-asawang Alvarado.