MANILA, Philippines - Tatlong sundalo kabilang ang isang piloto ang iniulat na nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos bumagsak ang chopper sa bahagi ng Mt. Sinumaan, Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni Philippine Air Force Spokesman Lt. Col. Miguel Ernesto Okol Jr., ang pagkamatay ng kanilang mga tauhan na sina Captain Omar Antepuesto, piloto ng helicopter; Staff Sgt. Maximo Orquina at Air Force Ist Class Rannie Solis habang sugatan naman si 1st Lt. Junius Zulueta.
Bandang alas-6:56 ng umaga nang mag take-off ang UH-IH helicopter na sinakyan ng mga biktima mula sa Camp Bautista, Jolo para magsagawa ng resupply mission sa tropa ng 6th Marine Battalion Landing Team sa Camp Baladad, Patikul, Sulu .
Nagawa pang makabalik ng helicopter sa Jolo pero sa ikalawang sortie ay biglang nagloko ang makina ng chopper habang lumilipad dakong alas -8:20 ng umaga.
Dahil dito, nagdesisyong mag-emergency landing ang helicopter pero kinapos ito kung saan lumagpak sa halos tuktok ng Mt. Sinumaan bago gumulong sa dalisdis sa ibabang bahagi ng matarik na bundok.
Nagkapira-piraso ang chopper kung saan nasawi ang tatlo habang isa pa ang sugatang isinugod sa AFP Trauma Center sa Camp Bautista, Jolo.