MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang 4-anyos na batang babae matapos itong magulungan ng isang rumaragasang behikulo sa national highway ng Brgy. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Renamae Pagulayan, residente ng Brgy. Teresita sa bayang nabanggit, idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt. Leonardo Espina, naganap ang sakuna sa nasabing highway bandang alas-4:15 ng hapon.
Kasalukuyang naglalaro ang bata sa lugar nang bigla itong tumawid sa kalsada kung saan ay aksidente itong nasagasaan ng humahagibis na Mitsubishi Chariot (RGF-623 ) na minamaneho ni Vitto Serdena, 43- anyos ng Sto. Niño Subdivision , Pinamalayan ng lalawigang ito kung saan nakaladkad pa ng ilang metro ang biktima.
Boluntaryo namang sumuko ang driver ng behikulo na ngayo’y nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.