MANILA, Philippines - Daang residente ang napilitang magsiakyat sa bubungan ng kanilang mga tahanan matapos na grumabe pa ang pagbaha sa lalawigan ng Bulacan partikular na sa bayan ng Hagonoy at Calumpit kahapon.
Sa ulat na tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot sa 29 barangay sa bayan ng Calumpit at anim namang barangay sa Hagonoy ang lubog sa lagpas taong baha na epekto ng paghagupit ng katatapos na bagyong Pedring.
Una ng isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Obando na grabeng naapektuhan ng pagragasa ng baha. Ang pagbaha sa Bulacan ay siyang pinakagrabe ayon sa mga residente dito sa loob ng 40 taon.
Ang mga residente ay na-trap sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan habang ang iba naman ay umakyat na sa bubungan dahilan masyadong mataas ang tubig.
Pinaniniwalaan naman ng mga lokal na opisyal na ang matinding mga pagbaha ay sanhi ng pagpapalabas ng tubig sa Ipo at Angat dam.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang rescue operation sa naturang mga bayan na apektado ng lagpas taong pagbaha.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., 39 miyembro ng Special Action Force (SAF), 24 tauhan ng Regional Police Safety Battalion (RPSB) at 29 kasapi ng Provincial Public Safety Company (PPSC) ang ipinadala sa lugar bitbit ang apat na rubber boat upang magamit sa rescue operation.