ZAMBALES, Philippines — Aabot sa milyong halaga ng pondo ang nakatakdang ipalabas ng provincial government matapos ipag-utos ni Gov. Jun Ebdane ang pagkukumpuni ng nasirang megadike sa Sto. Tomas River na nagsisilbing proteksyon laban sa tubig-baha.
Pinangunahan din ng gobernador ang pagtatayo ng mga gabion mesh wire kung saan nilagyan ng mga sand bag para sa 20-metrong natitibag na dike sa Brgy. San Pascual, San Narciso.
Namataan din ni Gov. Ebdane ang mga bayan at barangay sa Zambales na labis na naapektuhan ng bagyong Pedring kaya kaagad na ipinag-utos ang agarang pagkukumpuni partikular na sa ilang bahagi ng national highway sa Maloma sa bayan ng San Felipe.
Sa pinakahuling datos, Tinatayang umabot sa 25,168-katao ang naapektuhan ng tubig-baha kung saan aabot sa 2,658 katao ang inilikas noong kasagsagan ng bagyong “Pedring.”
Umabot naman sa P48.9 milyong halaga ng pananim sa mga bayan ng Sta. Cruz, Palauig, San Marcelino at sa bayan ng Castillejos ang napinsala.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief operations mula pa noong Martes sa siyam na bayan na naapektuhan ng bagyo.