MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 12 yunit ng pampasaherong bus ng Victory Liner, Inc. at isang trak ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army matapos salakayin ang motor pool compound nito sa Barangay Estrada sa bayan ng Capas,
Tarlackamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Alfred Corpus, Tarlac PNP director, sinalakay ng armadong rebelde na nakasuot ng camouflage ang motor pool compound ng kompanya.
Sinabi ni P/Supt. Felix Verbo, hepe ng PNP sa Capaz, agad na dinisarmahan ng mga rebeldeng nakasout ng camouflage ang dalawang guwardiya na sina Rizaldy Viray at Nardo Perez saka pinadapa at kinuha ang tatlong 9mm Armscor service pistol at cell phone.
Habang nakadapa ang mga sekyu ay binuhusan ng gasoline saka sinilaban ang 12 yunit ng bus kung saan pito sa bus ay walang makina habang lima naman ay kinukumpuni.
Maging ang Isuzu Elf truck na naka-stock sa motor pool at ginagawa ay sinunog din.
Matapos ang pananabotahe ay kinaladkad palabas ng compound sina Viray at Perez kasama ang ilang sekyu na sina Ian Alimaco, Jestoni Peralta at ang kanilang hepe na si Fernando Sabado saka nagpaputok sa ere ang mga papatakas na rebelde bilang paninindak sa mga kawani ng sekyu kung saan tinamaan ng ligaw na bala si Viray sa kanang daliri.
Sa teorya ng pulisya na may kaugnayan sa revolutionary tax na hinihingi ng NPA na ipinagkait ng may-ari ng nasabing kompanya habang patuloy naman ang pagtugis sa mga rebelde.