CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Dalawang pulis ang iniulat na nasugatan makaraang lusubin ng mga armadong rebeldeng New People’s Army ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Barcelona, Sorsogon noong Biyernes.
Kinilala ang mga nasugatang pulis na sina PO2 Joel Encinares, nagtamo ng tama ng bala sa magkabilang teynga at PO1 Jessie Doloiras.
Lumilitaw na habang pumapasok sa gate ng presinto ay nagpaputok agad ang mga rebelde kung saan agad namang dumepensa ang mga pulis na nakabantay sa pamumuno in P/Inspector Edgar Azotea na nakipagpalitan ng putok sa umaatakeng mga kalaban.
Tumagal ng may isang oras ang bakbakan bago nagsiatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kabundukan kung saan dalawang pulis ang nasugatan. Kaagad naman na rumesponde ang mga sundalo ng 49th IB ng Phil. Army at ang Sorsogon Provincial Command upang saklolohan ang mga pulis.
Narekober naman sa loob ng compound ng himpilan ang mga bala ng malalakas na kalibre ng armas kabilang ang M203 grenade launcher at M16 armalite rifles.