MANILA, Philippines - Umaabot na sa 34,000 pamilya o nasa 154,750 katao ang apektado ng malawakang flashflood na nanalasa sa 12 bayan ng Maguindanao dulot ng malalakas na pag-ulan, ayon sa opisyal ng Office of Civil Defense (OCD) kahapon.
Ayon kay Loreto Rirao, Director ng OCD sa ARMM kabilang sa mga apektadong pamilya ay mula sa mga bayan ng Buluan, Pandag, Mangudadatu, Paglat, Sultan sa Barongis, Pagalungan, Montawal, Datu Odin Sinsuat, Guindulungan, Mother Kabuntalan, Sultan sa Barongis na nasa 83 barangay ang lumubog sa tubig baha. Lumubog rin sa baha ang malaking bahagi ng Cotabato City na bagsakan ng tubig baha sa lugar.
Tinukoy ng opisyal ng tanggapan na nasa 3,253 pamilya ang apektado sa bayan ng Buluan; 2,739 sa Pandag; 4, 401 sa Mangudadatu; 3, 500 sa Paglat at 2,865 naman mula sa Sultan sa Barongis habang ang iba pa ay mula naman sa iba pang mga munisipalidad sa nasabing lalawigan.
Ang mga pagbaha ay sanhi ng pag-apaw ng Rio Grande de Mindanao, Lake Buluan at Liguasan Marsh dulot ng nararanasang matitinding mga pag-ulan na nag-umpisa nitong mga nakalipas na araw sanhi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Samantalang nakapagpatindi pa sa mga pagbaha ay ang bumarang sangkatutak na water lily o water hyacinth sa mga naturang mga ilog.
Inihayag ng opisyal, sa mga nagsilikas na residente ang iba sa mga ito ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak na naninirahan sa mataas na lugar habang ang iba pa ay nasa mga evacuation center.