MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 37-anyos na misis matapos basagin ang bungo sa bugbog ay inilibing pa sa loob ng kampo ng militar ng sundalo nitong mister na kamag-anak ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa bayan ng Carmen, North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni North Cotabato PNP Director Senior Supt. Cornelio Salinas, bandang alauna y medya ng hapon noong Miyerkules nang mahukay ang bangkay ni Bernadette Tejing Ampatuan sa loob ng quarters ng mag-asawa sa himpilan ng Alpha Company ng Army’s 524 Engineering Brigade sa Barangay Nasapian.
Arestado naman ang suspek na si Pfc. Mariano Ampatuan, kamag-anak ng maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na sangkot sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2008.
Lumilitaw na ipina-police blotter ng suspek ang pagkawala ng kanyang misis noon pang Setyembre 17 matapos mabigong umuwi.
Sa isinagawang post mortem examination sa biktima, lumilitaw na basag ang bao ng ulo nito, tadtad ng malalalim na pasa sa katawan matapos na bugbugin ng suspek.
Napag-alamang nagduda ang mga kamag-anak ng biktima sa kakaibang ikinikilos ng suspek simula nang hanapin nila ang kanyang misis kung saan noong nabubuhay pa ay hindi na maganda ang kanilang relasyon.
Agad namang nagtungo sa quarters ng mag-asawa ang pinagsanib na elemento ng pulisya at ng Bravo Company ng Army’s 7th Infantry Battalion kung saan nahukay ang bangkay ng biktima.