SAN ANTONIO, Zambales, Philippines — Nalalagay sa panganib ang kalusugan ng mga residente sa bayan ng San Antonio, Zambales dahil sa patuloy na operasyon ng open landfill na inilagay ng munisipyo sa tabi ng municipal slaughter house na may ilang metro lamang ang layo sa ilog.
Nabatid na binigyan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng notice of violation at notice of closure ang lokal na pamahalaan ng San Antonio para ipasara ang landfill kung saan unang inireklamo rin ng mga residente.
Lumilitaw naisara ang unang dumpsite kung saan inilipat naman sa tabi ng katayan ng hayop at tabi mismo ng ilog sa Barangay Angeles na posibleng magdulot ng kontaminasyon sa ilog na pinagkukunan ng kabuhayan ng mga residente.
Pinangangambahan din ng mga residente ang tumatamlay na pagdaloy ng industriya ng turismo sa nasabing bayan dahil ang tinukoy na ilog ay dumadaloy palabas sa karagatang bahagi ng Pundaquit at San Miguel na kilalang may malinis at magagandang beach resort at malimit dagsain ng mga lokal at dayuhang turista.
Bilang pagpapakita ng pagkondena laban sa naturang open landfill, isang manipesto ang ipinaiikot sa buong bayan ng San Antonio upang lagdaan ng mga residente.
Ang manipesto ay tumatayong panawagan ng mga residente kay Sec. Nereus Acosta, presidential adviser for Environment Protection na agad aksyunan ang reklamo para ipasara ang landfill sa tabi ng ilog upang mailigtas ang kalikasan at bayan laban sa sakit at pagkasira.