P.150-M ari-arian naabo
ILAGAN, Isabela, Philippines — Sa kagustuhang madispatsa ang mga kalat ng pinagbalatan ng mais ay nilamon ng apoy ang tinatayang aabot sa P.150 milyong halaga ng ari-arian sa Barangay Caniogan sa bayan ng Sto. Tomas, Isabela kamakalawa. Lumilitaw na sinilaban ni Oswaldo Pintucan ang nagkalat na tuyong dahon ng mais sa kanyang bakuran subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nadamay ang ilang ari-arian maging ang 46 kaban ng palay at isang motorsiklo. Wala naman nasugatan o nasawi sa naganap na sunog matapos maapula ang apoy. Mahigpit na ipinagbabawal ng DENR ang pagsusunog ng mga kalat tulad ng dayami at pinagbalatan ng mais dahil sa bukod sa nakakaapekto sa kapaligiran, nanganganib na masunog ang mga ari-arian kabilang na ang kabahayan.
- Latest
- Trending