CAMARINES NORTE, Philippines — Bumagsak sa kamay ng Provincial Anti-Crime Task Force na binuo ni Camarines Norte Governor Edgardo Tallado katuwang ang Camarines Norte Provincial Public Safety Company (CNPPSC), PNP Provincial Intelligence Section ang isang ex-convict na nahulihan ng mga matataas na kalibre ng baril, bala at granada sa bayan ng Paracale, Camarines Norte kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala ni PNP Provincial Director, P/Sr. Supt. Roberto Fajardo, kay Tallado, naglabas ng warrant of arrest si Judge Roberto Escaro ng RTC branch 38 – Daet upang halughugin ang bahay ni Mario Gadil, 37, may asawa, at residente ng Purok 2 Brgy. Tabas, Paracale, Camarines Norte.
Nabatid na ilang impormasyon na rin ang kanilang natanggap na nag-iingat ng ilang matataas na kalibre ng baril ang suspek.
Sa pangunguna ni P/Chief Insp. Bernardo Marzal, commanding officer ng CNPPSC, sinalakay ang bahay ni Gadil kung saan nakuha ang isang Colt M-16 armalite rifle, caliber 45 MIV, caliber .357 Smith and Wesson at limang bala, isang granada, 80 pirasong bala ng M16, isang magazine ng M16; 13 bala ng cal. 30 machine gun at 3 bala ng cal. 45.
Ang suspek ay nahaharap ngayon sa kasong illegal possession of firearms and ammunition at kasalukuyang nakakulong sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr.
Isinasagawa din ng mga awtoridad ang imbestigasyon upang malaman kung sangkot ang suspek sa mga insidente ng holdapan sa lalawigan.
Ang pagkakahuli sa suspek ay bunsod ng malawakang kampanya laban sa loose firearms and ammunition ng PNP at ni Tallado bilang Regional Peace and Order Council chairman sa Bicol Region.