MARILAO, Bulacan, Philippines —Paglutang ng dalawang pangunahing testigo ang naging susi upang matukoy ng mga awtoridad ang mga salarin na nasa likod ng pananambang sa mag-asawang money changer owner na ikinasawi ng ginang habang sugatan naman ang mister nito sa bayang ito kamakailan. Gayunman, pansamantalang tumanggi muna si Bulacan Provincial Director P/SSupt.Fernando Mendez Jr. na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga suspek upang hindi mabulilyaso ang kanilang dragnet operation. Ayon sa opisyal, naniniwala siyang nagtatago lamang sa dalawang bayan sa lalawigan ang mga salarin matapos marekober kahapon ang motorsiklong may bahid ng dugo na ginamit sa pananambang sa isang lugar sa Meycauayan City. Matatandaan na inambus ng dalawang lalaki gamit ang isang 9mm na baril at isang Uzi machine pistol ang sasakyang Honda Civic (ULV-484) lulan sina Elbert John Alarilla 31, negosyante ng money changer at pamangkin ni Meycauayan City Mayor Joan Alarilla, asawa nitong si Maria Alarilla 29, anak na si Dwayne Alarilla, 4-anyos at kasambahay na si Mary Grace Balingasan, 19; pawang ng Villa Consuelo Subdivision sa bayan ng Marilao.