9 anyos pinalaya ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Matapos ang mahigit 6 buwang pagkakabihag, pinalaya na ng mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang 9-anyos na batang lalaki na anak ng isang brgy. chairwoman nang abandonahin ang bata sa Brgy. Kitabog, Titay , Zamboanga Sibugay nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ni Directorate for Integrated Police Operation Western Mindanao Chief P/Director Felicisimo Khu, ang pinakawalang bihag na si Randelle Talania , anak ni Rosemarie  Talania, brgy. chairwoman sa Brgy. Namnama ng bayang ito.

Ayon kay Khu bandang alas-2:40 ng madaling araw nang palayain ang kidnap victim kung saan kasalukuyan pa nilang inaalam kung nagbayad ng ransom ang pamilya ng bihag sa mga kidnaper. Nauna nang humingi ng P20M ransom na naibaba sa P 10 M ang grupo ng Abu Sayyaf sa pamilya ng bata kapalit ng kalayaan nito.

Magugunita na ang biktima ay dinukot ng armadong miyembro ng kidnap for ransom group sa pamumuno ni Wahid Pingli noong Marso 9 ng taong ito sa bisinidad ng Titay Elementary School  bago ito ipinasa sa Abu Sayyaf Group.

Show comments