Coed na anak ng radio commentator kinidnap

MANILA, Philippines - Dinukot ng hindi pa nakilalang grupo ng mga armadong kalalakihan ang isang 17-anyos na estudyanteng anak ng isang radio commentator sa pinapasukan nitong unibersidad sa Puerto Princesa City, Palawan nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang biktima na si Maoie Larroa, anak ng radio commentator na si Louie Larroa na nakabase sa lungsod.

Sa imbestigasyon, bandang alas -10:30 ng umaga ng dukutin ng mga armadong lalaki si Maoie sa loob ng Mercel Chaolongan canteen ng Palawan State University (PSU) road sa Brgy. Tiniguiban ng lungsod na ito.

Ayon sa mga nakasaksi walang nagawa ang biktima matapos na tutukan ng baril at puwersahang kaladkarin ng mga suspek pasakay sa isang behikulo na tumahak sa hindi pa malamang destinasyon.

Ang mga suspek ay nagkunwari umanong kustomer ng canteen na agad sinunggaban ang dalaga.

Sinabi ni Cruz na agad namang binuo ang Crisis Management Committee ng pamahalaang lungsod para sa pagpapalaya sa nasabing estudyante.

Samantalang inorganisa rin ng Police Regional Office (PRO) IV-B ang Task Force Maoie para maresolba sa lalong madaling panahon ang pagdukot sa biktima.

Show comments