Mga negosyante target ng KFR
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Pangunahing puntirya ng kidnap-for-ransom group sa Central Mindanao ay mga negosyante kung saan maging ang mga establisyemento at government installations sa Kidapawan City ay target din ng pag-atake ng terror group.
Ito ang isiniwalat ni Army Major Reggie Bernardino, deputy head ng Task Force Cotabato sa ginanap na pulong kamakalawa ng gabi sa Kidapawan City Tourism Council at mga hotel at restaurant owners.
Sinabi pa ni Bernardino na nananatiling banta sa seguridad ng nasabing lungsod at iba pang bahagi ng lalawigan ng North Cotabato ang terorismo.
Bahagi ng Liguasan marsh ang mga bayan ng M’lang, Tulunan, Matalam, Kabacan, Carmen, at Pikit na sinasabing hotbed ng terorismo
Kasunod nito, hinikayat ni Bernardino ang mga mamamayan kabilang na ang mga negosyante at iba pang sektor na magkapit-bisig at maging mapagmatyag sa mga tao na may kahinala-hinalang ikinikilos sa kanilang erya.
Ang Cotabato City ay may 180 kilometro ang layo mula sa Kidapawan City.
- Latest
- Trending