ILAGAN, Isabela, Philippines – Napatay ang isang 44-anyos na barangay kagawad makaraang pagbabarilin ng tatlong ‘di-kilalang lalaki sa bahagi ng Barangay Puyun sa Cauayan City, Isabela kamakalawa ng gabi. Lumilitaw na pauwi na si Kagawad Elorde Agraan nang harangin at ratratin. Napuruhan sa ulo ang biktima kung saan kaagad naman tumakas ng gunmen. Samantala, pinagtataga naman hanggang sa mapatay ang isang 48-anyos na magsasaka ng kanyang kaibigang magsasaka sa Barangay San Francisco sa bayan ng Benito Soliven sa Isabela kamakalawa. Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Rico Ancheta habang sumuko naman ang suspek na si Mondonedo Saladino. Alitan sa lupa ang isa sa motibo ng suspek.