Ambush: Pulis todas, misis sugatan
MANILA, Philippines - Napaslang ang isang pulis habang sugatan naman ang misis nito matapos na pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa kahabaan ng highway ng Barangay Hagonghong sa bayan ng Buenavista, Quezon noong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang napatay na si PO3 Mario Adricula, 48, nakatalaga sa Regional Headquarters Security Group sa Calabarzon PNP at nakatira sa Brgy. Poblacion.
Isinugod naman sa Magsaysay Memorial District Hospital sa bayan ng Lopez, Quezon ang sugatang misis na si Mariafe Quejano Adricula, 47, kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, bandang alauna ng hapon habang pauwing magkaangkas sa motorsiklo ang mag-asawa mula sa mababang korte nang sundan ng dalawang lalaki na magkaangkas naman sa kulay pulang motorsiklo.
Lumilitaw na pagtapat sa target na si PO3 Adricula ay bumaba ang gunman at isinagawa ang pamamaslang habang tinamaan naman ng bala sa kaliwang braso ang misis. Bago tuluyang tumakas ay kinuha ng gunman ang cal 9mm Beretta service pistol ng biktima.
- Latest
- Trending