BULACAN, Philippines – Dalawa-katao ang iniulat na nasawi habang malubha namang nasugatan ang dalawang iba pa makaraang salpukin ng trak ang motorsiklo sa Maharlika Highway sa Barangay Bantog sa bayan ng San Miguel, Bulacan kahapon ng madaling araw. Kinilala ang mga namatay na sina Gilbert Butial, at Bernard Del Rosario habang sugatan naman sina Romelito Sanchez, at Janno Del Rosario na pawang nakatira ng Brgy. Balite. Samantala, sumuko naman sa pulisya ang drayber ng trak (TPK462) na si Larry Casquejo ng Brgy. Abangan Sur, Marilao. Sa ulat ni P/Supt. Marcos Rivero, naganap ang sakuna dakong ala-1:15 ng madaling-araw kung saan nag-overtake ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundang sasakyan kaya nakasalubong ang trak ni Casquejo.