SOLANO, Nueva Vizcaya , Philippines — Tinatayang umaabot sa P2.3 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy matapos masunog ang pamilihang bayan ng Maddela, Quirino noong Linggo ng gabi.
Ayon kay SFO1 Johnny Aduyeng ng Maddela Bureau of Fire Protection, isa sa pinagmulan ng apoy ay ang puwesto na pag-aari ni Cleto Dulnuan batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon.
Napag-alamang kumalat ang apoy dahil sa pawang mga gawa sa kahoy na pansamantalang pinagpuwestuhan ng mga nagmamay-ari matapos masunog ang kanilang dating mga stalls noong 2008.
“Ang mga stalls na ito ay itinayo pansamantala para sa mga owner na biktima rin ng sunog sa loob ng palengke noong 2008, subalit sa kasamaang palad, muli silang nasunugan sa ikalawang pagkakataon,” pahayag ni Aduyeng.
Napag-alaman na walang nailigtas na anumang paninda na karamihan ay mga groceries dahil nasa kalagitnaan ng gabi nang maganap ang sunog.