MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang brgy. chairman ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na itinanim sa highway ng bayan ng Brgy. Makalampen, Ampatuan, Maguindanao kamakalawa.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. ang biktima na sina Brgy. Chairman Esmael K’la, ng Brgy. Kakal; pamangkin nitong si Norhadi Kamaru, at pinsang si Tokan Eska; pawang isinugod na sa Esperanza Hospital para malapatan ng lunas.
Bandang alas-8:35 ng umaga habang lulan ng tricycle ang mga biktima nang biglang sumambulat ang bomba sa nasabing highway.
Sa lakas ng pagsabog ay nahagip pa ang tricycle na kadadaan lamang sa lugar kung saan itinanim ang bomba na ikinasugat ng mga biktima na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Sinabi naman ni Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Prudencio Asto, lumilitaw sa imbestigasyon ng Army’s 65th Explosives and Ordnance Team (EOD) at ng lokal na pulisya na nagresponde sa lugar na isang uri ng 105 MM ang ginamit na pampasabog.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy ang grupong nasa likod ng pagpapasabog.