CAMARINES NORTE, Philippines – Dinadagsa ngayon ng mga residente ang nabiling alimango na lumilitaw ang sinasabing imahe ni Jesus Christ na pinaniniwalaang senyales ng milagro sa Barangay San Roque sa Legazpi City, Albay.
Lumilitaw na nakabili ng alimango si Lilian Antiquerra noong Huwebes kung saan napansin nito na may larawan ng santo na pinaniniwalaang imahe ni San Roque, ang patron ng kanilang barangay.
Sa halip na gawing ulam ay mas minabuti ni Antiquerra na i-preserve ang nasabing alimango kung san inilagay sa kuwadradong salamin upang makita ng mga residenteng bibisita sa kanyang bahay.
Ayon sa ilang matatanda, may posibilidad na may hatid na mensahe sa kanilang barangay ang paglabas ng mukha ni San Roque sa alimango.
Nabatid na ang Barangay San Roque ay malapit sa karagatan na isa sa mga pangunahing hanapbuhay ay ang pangingisda.
Pag-aaralan naman ng Simbahang Katoliko ang ganitong mensahe ng santo bagama’t ikinagagalak naman ng simbahan na ito rin ang nagsisilbing paalaala upang mas nakikilala ang Panginoon at mapalapit ang mga residente na nakakalimot sa itaas.