SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines – Naghain ng reklamo ang mga residenteng Aeta sa Pastolan sa bayan ng Hermosa, Bataan laban sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority at National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) dahil sa paglabag sa Indigenus Peoples Rights Acts of 1997 (IPRA).
Sinabi ni Pastolan Aeta chieftain Rogelio Frenilla na ang reklamo ay inihain noong Agosto 24, 2011 kaugnay sa sapilitang paglagda ng mga katutubo sa Joint Management Agreement na isinusulong ng SBMA.
Tinututulan ng mga Aeta ang nasabing kasunduan dahil binabalewala nito ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupain na nakapaloob sa kontrol ng SBMA, kabilang ang self determination, karapatang magkaroon ng sariling disisyon sa pamamahala ng komunidad, at karapatang pagyamanin at pakinabangan ang lupaing ninuno.
Nabatid na may Certificate of Ancestral Domain Title (CAD-T) ang mga katutubo para sa 4,200 hektaryang lupain sa Subic Bay Freeport na ang ilan ay kinakatayuan ng mga negosyo.
Samantala, sa panig naman ng SBMA, ang JMA ay kasunduan na may benepisyo ang lahat ng pamilyang katutubo kabilang na ang kanilang mga apo.
Kabilang sa mga benepisyo ng JMA ay ang pagkakaloob ng P20,000 kada taon sa bawat pamilya bilang bahagi sa rentang bayad ng mga investor, pagkakaloob ng trabaho sa lahat ng negosyo sa lupaing ninuno, pagpapatayo ng paaralan at health center, scholarship grants sa mga kabataan at marami pang iba.