MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa dalawa-katao habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos na makuryente sa Barangay Basak, Lapu-Lapu City, Cebu kamakalawa. Nasawi sina Maximo Talara, 40; at Ricardo Senarlo, 35, kapwa naisugod pa sa Mactan Doctors Hospital subalit idineklarang patay. Isinugod naman sa Vicente Sotto Memorial Medical Center ang mga sugatang sina Eliezer Jubay, security guard ng Sea Lion Security agency at Mark Anthony Pagador. Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, ang mga biktima na nagkukumpuni ng mahabang tubo para sa poso nang biglang mabiyak ang isa sa dulo kung saan tumama sa linya ng kuryente. Dito nangisay ang mga biktima kung saan nasawi ang dalawa.