MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang binalewala ng isang driver ang batas na ipinagbabawal ang magmaneho ng senglot kaya naman napaaga ang pagsalubong kay kamatayan makaraang masalpok ng truck ang kanyang motorsiklo sa national highway ng Barangay Bucayao sa Calapan City, Oriental Mindoro noong Biyernes ng hapon.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP-Highway Patrol Group Director P/Chief Supt. Leonardo Espina, kinilala ang nasawi na si Fernando Riofloredo ng Brgy. Sta. Cruz, Calapan City.
Sugatan namang ang driver ng truck na si Regie Aguarin, at mga sakay nitong sina Catalino de Guzman, Kenneth Zuleta at Celestino Aldovino na pawang naisugod sa Calapan City Medical Center.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na pinagsabihan ng ilang kaibigan si Riofloredo na iwasang magmaneho subalit binalewala nito kaya kahit lango sa alak ay pinilit pa ring magmotorsiklo patungo sa Brgy. Managpi.
Lingid sa biktima ay nakaamba na ang pagsalubong ni kamatayan matapos sumalpok sa kasalubong na Isuzu truck (WGR -803) ni Aguarin.