18 bahay, 3 paaralan winasak ng buhawi
MANILA, Philippines - Umaabot sa 18-kabahayan at tatlong gusali ng eskuwelahan ang iniulat na nawasak sa magkakahiwalay na paghagupit ng buhawi sa mga bayan ng Culaba sa Biliran at Sarrat sa Ilocos Norte sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Mina, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa kabila ng hindi apektado ng bagyong Mina ang lalawigan ng Biliran ay sinalanta ito ng buhawi bandang alas-5 ng hapon kamakalawa.
Kasunod nito, nawasak din ang tatlong gusali sa Culaba Central School na nabunot sa kinatatayuan at natanggal pa ang bubong kung saan aabot sa P.8 milyong halaga ng ari-arian ang pinsala.
Samantala, nasa 18- kabahayan naman ang nawalan ng mga bubungan matapos na hagupitin ng tornado ang bahagi ng Barangay San Isidro sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte.
Bukod dito ay ilan ring kabahayan sa bayan ng Marcos sa Ilocos Norte ang nagtamo ng pinsala matapos mabagsakan ng malalaking punong kahoy na ibinuwal ni Mina kahapon.
Gayon pa man, patuloy na mararaanan ang mga kalsada patungo at palabas ng Ilocos Norte kahit na malakas ang ulan.
Samantala, wala namang iniulat na pagragasa ng tubig-baha sa mga barangay sa bayan ng Paoay, Ilocos Norte na pinaniniwalaang sa mga nakalipas na taon ay pinalubog ng tubig-baha.
- Latest
- Trending