13 estudyante nalason sa tuba-tuba

MANILA, Philippines - Labingtatlong elementary pupil ang isinugod sa pagamutan matapos na malason sa kinaing bunga ng tuba-tuba sa Himamaylan City , Negros Occidental kamakalawa.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, pasado alas-12  ng tanghali ng magsimulang mamilipit sa pananakit ng tiyan, makaranas ng pagkahilo, pagkamanhid ng katawan at magsuka ang mga bata na pawang estudyante sa Grade IV sa Culban Ele­mentary School sa lungsod na ito.

Nabatid na isa sa mga estudyante ang nagbaon ng bunga ng tuba-tuba dahilan lasa umano itong mani na kinain ng mga bata sa kanilang recess dakong ala-10 ng umaga.

Bunga ng insidente ay napilitan ang principal ng eskuwelahan na si Esperanza Evangelio na hu­mingi ng tulong kay Brgy. Chairman Pablo Libo-on ng Brgy. Caradyuan upang maisugod sa pagamutan ang mga bata.

Lima sa mga bata ang pinauwi na sa kanilang tahanan kamakalawa ng gabi matapos mabigyang ng pangunahing lunas kung saan konti lamang ang nakain ng mga itong tuba-tuba habang patuloy pang inoobserbahan ang iba pa.

Show comments