Negosyante dinukot, tinodas
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Napaslang ang isang 45-anyos na negosyante matapos dukutin at patayin ng apat na kalalakihan na naging customer sa restaurant nito sa Trece Martirez City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. John Bulalacao, ang napatay na si Cristina Perido ng Barangay Alulod, Indang, Cavite at may-ari ng Nishas Catering and Resto Bar.
Sa follow-up operation ay naaresto naman ang mga suspek na sina Domingo Mendez, 50; Felix Barbon, 48; Jay Barbon at Dennis Montimon, 21, pawang construction workers at nakatira sa Dasmariñas, Cavite.
Base sa police report, bago maganap ang krimen ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya mula kay Perido para ireklamo ang mga suspek sa ‘di-pagbabayad ng bill na P510.00
Agad naman rumesponde si SPO1 Henry de la Cruz kasama ang dalawang civilian security unit (CSU) na sina Danny Nieva at Alex Velasquez para arestuhin ang mga suspek.
Matapos maaresto ay dinala sa presinto ang mga suspek lulan ng dalawang traysikel subalit ang ikalawang traysikel na lulan ang mga suspek na sina Jay Borbon at Dennis Montinon kasama ang nagreklamong si Perido at si CSU Nieva ay hindi sumunod bagkus ay humiwalay ng landas patungong Brgy. Mataas na Lupa sa bayan ng Indang para tumakas.
Gayon pa man, pilit namang inaagaw ni Nieva ang manibela mula kay Montimon hanggang sa sipain ito papalabas at mahulog mula sa traysikel.
Naiwan naman si Perido sa kamay nila Montimon at Barbon na mabilis na sumibad patungo sa nabanggit na barangay.
Bandang alas-11:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ni Perido sa gilid ng highway sa nasabing barangay na basag ang bungo.
“Mukhang inihulog siya mula sa traysikel kaya bumagok ang ulo habang papatakas ang mga suspek,” ani ng pulis
Sa follow-up operation ay naaresto ng pulisya si Jay Barbon na naglalakad ng walang tsinelas sa gitna ng tulay sa pagitan ng Bgy. Mataas na Lupa at Bgy. Alulod sa Indang, Cavite na may sugat sa ulo.
Samantala, naaresto naman si Montimon sa pinapasukan naman nitong trabaho sa Melton Asia, Mountview, Carmona, Cavite bandang alas-4:30 ng umaga noong Lunes.
- Latest
- Trending