OLONGAPO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang naging inutil ang PNP sa Olongapo City na maresolba ang naganap na krimen laban sa isang 76-anyos na lola na sinasabing nakikipaglaban kay kamatayan matapos na pagtatagain ay pinalo pa ng plansta sa ulo ng isang miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Baretto, Olongapo City noong Sabado ng madaling-araw. Kasalukuyang nasa intensive care unit ng Our Lady of Lourdes International Hospital ang biktimang si Rosita Ramirez dahil sa matitinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Naganap ang krimen matapos maaktuhan ng biktima ang naka-bonnet na lalaki na nagnanakaw sa loob ng kanilang bahay.
Nagawa naman magpatay-patayan ng biktima kaya iniwan na lamang ngkawatan kung saan nakatawag naman ng pansin sa insidente ang isa sa anak ni Ramirez.
Tinangka naman itago ng presinto 6 ang mga detalye sa mga mamamahayag sa hindi nabatid na dahilan subalit sumingaw din sa publiko.
Ikinatwiran naman ni P/Insp. Gerald Fernandez na pinagbawalan sila ng bagong talagang director ng PNP na magbigay ang anumang detalye sa nagaganap na krimen sa Olongapo City.
Tumanggi naman humarap sa mga mamamahayag ang bagong talagang police director sa nasabing lungsod kaugnay sa nasabing isyu.