MANILA, Philippines - Isa na namang mamamahayag mula sa radio station ang iniulat na napaslang matapos na pagbabarilin ng motorcycle-riding gunmen sa Hacienda Teresa, Barangay Alicante sa bayan ng EB Magalona, Negros Occidental noong Lunes ng hapon.
Limang bala ng cal. 45 pistola ang tumapos buhay ng brodkaster na si Niel Aranga Jimena, 42, isang blocktimer sa Radio Mindanao Network (RMN) DYRI Iloilo, naging brodkaster din sa DYAG Cadiz City sa Negros Occidental at sa binuwag na DYRP sa Iloilo kung saan dati ring reporter sa Dyaryo Iloilo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na naganap ang pananambang bandang alas-5:50 ng hapon habang lulan ng motorsiklo ang biktima patungo sa Bacolod City.
Nabatid na lumipat lamang ng bahay sa EB Magalona ang biktima na bukod sa pagiging blocktimer sa radio ay isa ring asset ng Philippine Drug Enforcement Agency at tubong La Paz District, Iloilo.
Sa tala ng pulisya, ito ang ikalawang pagkakataon na pinagbabaril si Jimena kung saan ang unang insidente ay naligtasan nito noong Setyembre 2009 sa Victorias City, Negros Occidental.
Dalawang anggulo naman ang sinisilip ng mga awtoridad na pinaniniwalaang may kaugnayan sa pagiging brodkaster nito at pagiging asset ng PDEA.
Sa tala ng PNP, umaabot na sa pito ang mediamen na napatay sa ilalim ng administrasyon ni PNoy kabilang si Marlene Flores Somera, dzME announcer na binaril sa Malabon City noong Marso 2011 at si Dr. Gerardo Ortega ng RMN – DWAR sa Puerto Princesa City, Palawan noong Enero.