Mag-ina kinidnap sa simbahan
MANILA, Philippines - Isa na namang kaso ng kidnapping ang naganap matapos dukutin ang mag-ina sa harapan ng simbahan sa Yumang Street sa Purok Malakas, General Santos City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mag-ina na sina Dina Dumaran at Sophie Dumaran, 2; manugang at apo ng may-ari ng gasolinahan na si Igmedio Dumaran.
Sa ulat ng hepe ng Directorate for Police Operations sa Western Mindanao na si P/Director Felicisimo Khu, dakong alas-6:30 ng gabi habang nakikinig ng misa sa loob ng St. Michael Church si Dina at ang mister nitong si Ian kasama ang anak na si Sophie nang magtatakbo palabas ng simbahan ang bata.
Agad namang sinundan ni Dina subalit nagtaka si Ian dahil tapos na ang misa ay hindi pa bumabalik sa loob ng simbahan ang kaniyang mag-ina kaya ini-report ang insidente sa kinauukulan.
Lingid sa kaalaman ni Ian ay tumawag ang mga kidnaper kay Igmedio Dumaran at sinabing hawak nila ang mag-ina kung saan pinagsabihang huwag magsusumbong sa mga awtoridad.
Gayon pa man, muling tumawag ang mga kidnaper at humihingi ng P8 milyong ransom na ibinaba naman sa P5 milyon.
Bandang alas-4:30 ng madaling-araw kahapon ay galit na tumawag muli ang mga kidnaper na sinita ang pamilya ni Ian dahil ipinarating sa mga pulis ang pagdukot sa kanyang mag-ina kung saan nagbanta rin na may mangyayaring masama kapag hindi naibigay ang nasabing halaga.
- Latest
- Trending