RIZAL, Philippines — Sementeryo ang binagsakan ng dalawang lalaki na sinasabing notoryus na holdaper makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng hapon.
Ayon kina ni PO3 Nelson Lequin at PO2 Jeare Agra, bago sumiklab ang shootout ay hinoldap ng dalawang di-kilalang lalaki ang biktimang si Mary Grace Salvador ng Brgy. Sta. Cruz habang namimili sa palengke sa Brgy. dela Paz.
Kaagad namang nakarating sa himpilan ng pulisya ang reklamo ni Salvador kaya inilatag ang checkpoint kung saan namataan naman ang dalawa na lulan ng motorsiklo. Nabatid na nag u-turn ang motorcycle-riding gunmen matapos makita ang inilatag na checkpoint ng pulisya kaya sila hinabol ng mga awtoridad.
Dito na pinaputukan ng dalawa ang humahabol na mga pulisya hanggang sa nauwi sa shootout sa bahagi ng Brgy. San Luis.
Narekober ang bag, P700 at cell phone ni Salvador sa tabi ng bangkay ng dalawa, maging ang isang baril, pen gun, toy gun at motorsiklong may plakang PB 9237.
Kasalukuyang bineberipika ang pagkakakilanlan ng dalawa.