KIDAPAWAN CITY ,Philippines –Onsehan sa droga ang sinisilip na anggulo ng mga awtoridad matapos na mapatay ang dalawa kataong pinagbabaril ng hindi pa nakilalang nag-iisang armadong salarin sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi. Dead-on-the-spot ang 43-anyos na si Nasrullah Raul Raman Batua ng Pagalungan, Maguindanao habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang kasama nitong si Melanie Ulip, 25-anyos. Sa ulat ng pulisya, bandang alas-9:45 ng gabi ng maganap ang insidente sa harapan ng city hall ng Kidapawan. Kasalukuyang pasakay ang dalawa sa kanilang Toyota jeepney (LXC-659) ng lapitan ng gunman na nakipagtalo pa kay Batua. Ilang saglit pa ay sunud-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar at matapos na mapuruhan ang target ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon. Narekober ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya ang ilang gramo ng shabu mula sa mga biktima. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.