LIMAY, Bataan ,Philippines — Patay ang isang 1st year college student nang mabagok ang ulo makaraang hindi masalo ng kaniyang mga kasama ng ihagis pataas habang nagpapraktis sa cheer dance exhibition sa labas ng Limay Polytechnic College sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Jene Catanglan, 17-anyos, anak ng may-ari ng isang junkshop sa dating Bureau of Plant Industry sa Brgy. Lamao, Limay.
Sa nakalap na report ng PSN dakong alas-3 ng hapon habang nagsasanay ng sayaw ang cheer dance group na kinabibilangan ng biktima sa isang lugar malapit sa kanilang kolehiyo ng maganap ang aksidente.
Nabatid na ang grupo ni Catanglan ay kalahok sa paligsahan sa cheer dance competition para sa kanilang nalalapit na intramurals sa darating na Agosto 31 hanggang Setyembre 2 ng taong ito.
Nagawa pang maisugod sa Bataan General Hospital ang biktima pero agad ring binawian ng buhay matapos na magkaroon ito ng internal hemorrhage sa tindi ng pagkakabagok ng ulo.
Nangako naman ang tanggapan ni Limay Mayor Ver Roque at ang mga opisyal ng naturang kolehiyo na sasagutin ang lahat ng gastusin sa lamay at libing ng biktima.