MANILA, Philippines - Isa sa dalawang kalalakihan na sinasabing sangkot sa pagpapasabog ng convoy ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu noong Lunes ang nadakma ng mga awtoridad sa bahagi ng Tacurong City, Sultan Kudarat, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Director Felicisimo Khu, directorate for police operations sa Western Mindanao ang suspek na si Datu Karim Masdal alyas Alibara Masdal habang patuloy pang pinaghahanap ang kasamahan nitong si alyas Jay-R Reyes na sinasabing bumili ng puting KIA Pride (MDJ-2740) na ginamit sa pambobomba.
Si Masdal ay nasakote ilang oras matapos ang madugong pagpapasabog pero kahapon lamang isinapubliko matapos kasuhan dahil kailangan pa itong isailalim sa tactical interogasyon. Ang suspek ay kinasuhan sa Tacurong City Prosecutors Office ng kasong double murder sa pagkamatay nina Raffy Parenas at Maguindanao Board member Datu Russman Sinsuat Sr. at multiple frustrated murder.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief officer-in-charge P/deputy Director General Nicanor Bartolome na fictitious name ang Jay-R Reyes nang bilhin nito ang sasakyan mula kay Maureen Macasindil ng Maa, Davao City. Lumilitaw sa imbestigasyon ng Special Investigating Task Group na si Reyes ang namataan ng ilang testigo na umaaligid sa nasabing lugar habang hinihintay ang pagdaan ng convoy ni Mangudadatu.
Matatandaan na inihayag ni Mangudadatu na wala siyang ibang pinaghihinalaan sa car bombing kundi ang mahigpit niyang katunggali sa pulitika na sinabi pang siya ring nasa likod ng Maguindanao massacre noong Nobyembre 2003 na ang pinatutsadahan ay ang angkan ng mga Ampatuan.