SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Isang kawani ng provincial treasurer’s office na sinasabing may bitbit na P1 milyong cash ang iniulat na nawaawala habang nasa biyahe patungo sa Maynila upang mamili sana ng mga office supplies.
Kinumpirma ni Provincial Treasurer Rhoda Moreno na si Remington Jamison ng Bayombong, Nueva Vizcaya ay isa sa kanyang mga tauhan ang nawawala noong Agosto 15 (Lunes) matapos huminto ang kanilang sinasakyan sa gasolinahan sa Nueva Ecija.
Si Jamison at dalawang kasama sa trabaho na lulan ng kanilang service vehicle ay huminto sa gasolinahan sa Barangay Malasin, San Jose City, Nueva Ecija noong Lunes ng gabi.
Nagpaalam si Jamison sa kanyang mga kasama na magtutungo sa palikuran subalit nabigo na itong makabalik kaya nila hinanap at kalaunan ay humingi na rin ng tulong sa pulisya ang mga kasamahan at ipagbigay-alam ang insidente.
Lumilitaw na hawak ni Jamison ang P1 milyong cash na sana ay pambili ng mga kagamitang para sa opisina nang maglaho ang una.
“We are in close coordination with the San Jose City PNP regarding the incident. It is difficult to speculate on what had really happened,” pahayag ni P/Senior Supt. Elmer Beltejar, provincial police director.
Palaisipan ngayon ang misteryosong pagkawala ni Jamison na ayon sa mga kakilala ay pinaniniwalaang kinidnap dahil sa dalang halaga.